BUNGISNGIS

ANO BA ANG BUNGISNGIS?

Inilalarawan ang Bungisngis bilang isang higanteng may isang mata sa gitna ng noo nito. Mayroon itong dalawang malalaking pangil. Ang napakahusay na pandinig ay isang sa mga kilalang katangian nito. Makikita rin natin ang tunay na lakas ng higanteng ito sa kuwentong, “Ang Tatlong Magkakaibigan—Ang Unggoy, Ang Aso at Ang Kalabaw”. Ang pangalan ng nilalang ito ay nagmula sa salitang ‘ngisi’—“pagngiti nang banat ang labi at nakalantad ang ngipin” (UP Diksyunaryong Filipino). Sinasabi ng iba na kapag ngumiti ang isang Bungisngis, matatakpan ng kaniyang labi ang halos buong mukha nito.

ANG KUWENTO

Ayon sa kuwentong, “Ang Tatlong Magkakaibigan,-Ang Unggoy, Ang Aso at Ang Kalabaw”, ang tatlong kaibigan ay sawa na sa paninirahan nila sa lungsod at nais nilang pumunta sa lalawigan upang mangaso. Kanin, ulam at mga kagamitang pangkusina ang kanilang dinala sa pagpunta rito.

Sa unang araw, nanatili ang kalabaw sa kanilang kampo at nagluto ng pagkain para may makain ang kaniyang mga kaibigan pagkatapos ng pangangaso. Sa kasamaang palad, narinig ng Bungisngis ang pagpriprito ng pagkain mula sa kampo ng tatlong kaibigan. Tumungo ang higante sa kalabaw at ipinahayag na gusto niyang kainin ang niluluto nito. Nang walang alinlangan, inatake ng kalabaw ang nilalang ngunit siya’y sinunggaban ng Bungisngis. Bumagsak sa lupa ang kalabaw at halos nailibing ang kaniyang tuhod sa sobrang lakas ng Bungisngis.

Kinain ng higante ang pagkaing niluto at biglang nawala. Sa pagbalik ng unggoy at aso, nakita nila ang nagyari sa kalabaw. Ibinalita ng kanilang kaibigan na dumating ang isang higante at kinain ang inihanda niya para sa kanila.

Umulit pa ang insidenteng ito nang nanatili ang aso sa kampo. Kinabukasan, gumawa ang unggoy ng isang napakalaking hukay para sa higante. Nang bumalik ang Bungisngis sa kanilang kampo, siya’y binigyan ng pagkain ng unggoy at habang kumakain ang Bungisngis, itinulak ng unggoy ang upuan ng higante para mahulog ito sa hukay. Ang higante ay inilibing nang buhay.

Nagtanong ang aso’t kalabaw tungkol sa Bungisngis at hindi sumagot at unngoy hanggang nagsawa na siya sa mga tanong ng kaniyang kaibigan. Sa pagkausyoso ng aso’t kalabaw, hinukay nila ang libingan ng higante at sa kasamaang palad, napalaya ang Bungisngis. Pinatay niya ang aso at pinilayan niya ang kalabaw.

Bilang ganti, nag-alay ang unggoy ng isang sinturon sa higante. Ito’y tinanggap ng higante pero natuklasan niya na ito pala’y isang napakalaking sawa. Humapit ang ahas sa katawan ng Bungisngis hanggang ito’y hindi na makahinga at namatay. Kinain ng sawa ang katawan ng Bungisngis at umuwi ang unggoy at kalabaw.

BAKIT ASTIG ITO?

Ang Bungisngis ay isang halimbawa ng impluwensiya ng ibang kultura sa kulturang Pilipino. Ang mga kuwento tungkol sa Bungisngis ay maaaring galling sa impluwensiya ng mga epikong Hindu tulad ng “Ramayana” at “Mahabharata”.

Ipinapakita nito na ang ating kulturang Pilipino ay binubuo ng iba’t ibang kultura mula sa iba’t ibang panahon. Ang mga kulturang ito ay naghalo sa katutubong kultura hanggang sa mabuo ang modernong kulturang Pilipino.

Mag-iwan ng puna